KAPURI-PURI talaga ang Bureau of Customs, lalo na ang Intelligence Group, under ni Deputy Commissioner General Juvymax Uy, dahil gumawa na naman po ito ng legasiya.
Opo mga Igan, biruin mo sa talas ng radar ng BOC IG at Customs Intelligence and Investigation Service, nadiskubre nila ang 1.428 bilyong halaga ng mga e cigarettes o mas kilalang vape na walang kaukulang dokumento?
Ito’y sa pamamagitan ng kanilang pag inspeksyon ng mga bodega sa Valenzuela City, probinsya ng Bulacan. Tama po ba ako CIIS IOIII Alvin Enciso? Idol po talaga ang IG.
Ipinaliwanag ni Customs Commissioner Bien Rubio na ang naturang vapes na may 1.428 bilyong halaga ay ang total value ng humigit kumulang na 1.4 milyong piraso ng 10 ml disposable vape.
At may estimated value na 700 milyon, o 500 kada piraso ang halaga ng 728 milyon excise tax, base sa P52 excise tax kada 1ml e-cigarette o vape.
Kung hindi po tayo nagkakamali, sa inisyal na inspeksyon sa bodega na matatagpuan sa #18 Bagong Filipino Industrial Compound, M. Gregorio St., Canumay West, Valenzuela City, nalantad ang humigit kumulang sa 14,000 kahon ang nilalaman ng tinatayang 1.4 milyong piraso ng 10ml disposable vape na may tatak na Flava.
Sa isinagawang operasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service, sa bisa na rin ng Letter of Authority na may lagda ni Comm. Rubio nito lamang Oktubre 26, ito’y dahil sa impormasyon.
Pahayag nga ni CIIS Dir. Verne Enciso, “we received information last October 24, 2023 that a warehouse in Valenzuela City is being utilized as storage of volumnious illegally imported e-cigarettes or vape products without proper payment of correct duties and taxes.”
Kaya naman, matapos maberipika and impormasyon at matukoy ang mga bodega, kaagad na nag request ang CIIS ng LOA, na mag aatas sa warehouse owner na magpakita ng proof of payment ng duties and taxes.
Gayundin ang importation documents, na kailangan para sa mga goods na matatagpuan sa loob ng bodega, kung legal ang kanilang mga importasyon.
Ang grupo naman ng CIIS, Enforcement and Security Service ng Port of Manila, at Legal Service ng BOC, ay agad nakipag ugnayan sa Northern Police District, bago magtungo sa Barangay Canumay West.
Tinanggap naman ni Mr. Merril Opena, ang Letter of Authority mula sa awtoridad ng Bureau of Customs, patunay na legal ang operasyon.
Sa pahayag naman ni Bureau of Customs Deputy Commissioner General Juvymax Uy, na ang may ari, at kinatawan ng bodega ay binigyan ng panahon upang magpakita ng mga kaukulang dokumento at patunay na nakapagbayad ng buwis.
Kung wala ang mga naturang dokumento, mahaharap naman ang mga ito sa posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Samantala, nais po natin muling bigyang pagpupugay ang tropa ni Dep. Comm. Juvymax Uy, sapagkat ginagampanan nila ang kanilang mandato ayun na rin sa batas. (May susunod pa)