Sa Bureau of Customs, parang hindi na balita kapag may rigodon. Parang change oil lang—regular, inaasahan, at kadalasan walang malinaw na paliwanag kung bakit. Ngayon, sa ilalim ni Comm. Ariel, muling gumalaw ang mga upuan.
Ang sabi ng iilan, simple lang ang dahilan: ilagay ang mga taong pinagkakatiwalaan niya sa mga sensitibong posisyon. Practical daw ‘yon—mas mabilis ang galaw kung kakampi mo ang kasama mo sa mesa. Pero teka lang… kung good governance ang banner, hindi ba dapat ang batayan ay performance at integridad, hindi lang personal trust?
Halimbawa, sa Port of Limay, ang daming positibong feedback sa dating Collector—mataas ang koleksyon, maayos ang sistema, at walang issue ng katiwalian—pero napalitan pa rin. Sa Batangas naman, tama lang na palitan para magkaroon ng bagong sigla at mas matibay na sistema. Ang punto: may mga palitan na may sense, pero meron ding halatang sayang ang naumpisahan.
At dito pumapasok ang mas malaking problema: kapag walang malinaw na performance-based evaluation bago maglipat ng tao, nawawala ang continuity ng mga programang gumagana na. Pwedeng masayang ang ilang taong pinaghirapan, lalo na kung ang ipapalit ay hindi rin naman mas mahusay. Sa halip na umabante, minsan pa nga ay bumabalik sa umpisa.
Kasi ganito ‘yan—ang rigodon ay pwedeng maging tool for reform kung malinaw ang dahilan, may metrics na sinusunod, at transparent kung paano mas mapapabuti ang operasyon. Pero kung ang basehan lang ay loyalty o personal na koneksyon, hindi ito reporma. Palakasan lang ‘yan, at sa huli, ang lugi ay ang ahensya at ang publiko.
Sa susunod na rigodon, sana ang i-consider ni Comm. Ariel ay hindi lang kung kanino siya komportable, kundi kung sino talaga ang may proven skills, disiplina, at integridad—lalo na sa mga opisina na malaki ang kontribusyon sa kita at reputasyon ng Aduana. Hindi sapat na marunong lang; kailangan marangal din.
Kung mangyayari ‘yan, baka sa wakas, ang rigodon sa BOC ay maging simbolo ng reporma at progreso. Kung hindi, mananatiling parehong lumang sayaw lang: iikot, iikot, pero wala namang patutunguhan.
