Noong Setyembre 17, 2025, matagumpay na isinagawa ng Bureau of Customs ang Collectors’ Conference sa Cebu City, na dinaluhan mismo ni Kalihim ng Pananalapi Ralph Recto. Naging mahalagang yugto ito sa pagtatakda ng malinaw na direksyon ng Aduana laban sa mga tagas ng kita (tax leakage). Binigyang-diin ni Kalihim Recto na bawat pisong nakokolekta ay nagsisilbing lifeline ng mga programang panlipunan ng pamahalaan, samantalang ang bawat pisong nawawala sa buwis ay nag-aalis ng pondong dapat sana’y ginugugol para sa kinabukasan ng sambayanan. Aniya: “Kapag may nakalusot na iligal, may hanapbuhay na nawawala; kapag may undervaluation, may silid-aralan na hindi natatapos.” Sa kanyang pananaw, nakasalalay ang tagumpay ng pambansang estratehiyang sosyo-ekonomiko sa dedikasyon at integridad ng bawat kawani ng Customs, saanmang seksyon o pantalan sila nakatalaga.

Kasabay nito, ipinahayag ni Komisyoner Ariel Nepomuceno ang kanyang mga utos sa mga District Collectors: magsagawa ng regular na performance assessment na may pananagutan para sa mga hindi nakakatupad ng target; wakasan ang tinatawag na “white paper culture” upang higit na mapalakas ang transparency; at palakasin ang Customs Care operations upang matiyak ang episyente at pare-parehong antas ng serbisyo.

Gayunpaman, hindi lamang nakasalalay sa District Collectors ang laban kontra tagas ng kita. Mahalaga rin ang ambag ng iba’t ibang grupo at yunit: tinitiyak ng Liquidation and Billing Division (LBD), ng bawat distrito na lahat ng kargamento ay ganap na naili-liquidate; mino-monitor ng Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG) ang mga halaga at timbang ng shipment; isinasagawa ng Revenue Collection and Monitoring Group (RCMG) ang liquidation, assessment, at audit sa pamamagitan ng Collection Service; at pinangangasiwaan ng Post-Clearance Audit Group (PCAG) ang masusing pagsusuri. Totoo ang Komisyoner sa kanyang pagtutok sa pananagutan ng District Collectors, ngunit dapat ding maging saklaw nito ang AOCG, RCMG, at PCAG at ibang pang grupo upang totoong mabawi ang tamang buwis na dapat mabayaran para sa gobyerno.

Pinatitibay ng mga kamakailang pangyayari ang pangangailangang ito. Nang ipinasuri ni DA Kalihim Laurel ang mga proyekto ng Farm-to-Market Road, malinaw na mensahe itong dapat tiyakin na tama ang paggamit ng pondo. Sa kaparehong paraan, ang Department of Finance, sa pamamagitan ng ROG o RIPS, ay dapat magsagawa rin ng masusing audit sa iba’t ibang grupo ng Bureau upang masukat kung gaano sila kabisa sa pagpigil sa mga tagas ng kita. Katulad din ito ng ginagawang pagsusuri ng pamahalaan sa DPWH “ghost projects”, kung saan mahalagang matiyak na ang bawat pondong inilaan ay tunay na nagagamit at hindi nauuwi sa maling bulsa.

Sa pinakasentro ng usapin, nananatiling tanong: kapag naglabas ng notice ang PCAG, RCMG, at AOCG para sa mga hindi nabayarang tungkulin, magkano nga ba ang totoong nakokolekta ng Bureau?

Higit pa sa koleksiyon, mas kritikal ang usapin ng pagpapatupad. Maraming kawani ng Customs ang nag-aatubiling kumilos laban sa panloloko dahil sa takot na mabiktima ng harassment o gawa-gawang reklamo mula sa mga smuggler na may koneksyon at kapangyarihan. Madalas, ang mga empleyadong kumikilos nang may integridad ay naiiwang mag-isa—kailangan nilang kumuha ng sariling abogado, tustusan ang lahat ng gastusin, at tiisin ang pangungutya ng publiko—nang walang sapat na suporta mula sa institusyong kanilang pinaglilingkuran. Ito’y nagpapakita ng mas malalim na kahinaan: ang kakulangan ng matatag na mekanismo upang ipagtanggol at protektahan ang sarili nitong mga tauhan laban sa harassment at pananakot.

Kung tunay na hangad ng Bureau ang tagumpay, hindi lamang nito dapat sugpuin ang mga tagas ng kita, kundi tiyakin ding may proteksiyon at suporta para sa mga kawani nitong tapat na nagpapatupad ng batas. Kailangang maramdaman ng bawat empleyado na hindi sila nag-iisa at na may institusyong handang tumindig kasama nila. Kung hindi, mabibigo ang mga reporma, at patuloy na mauubos ang kita ng pamahalaan. Tanging sa pagsasabay ng pananagutan at proteksiyon maisasakatuparan ng Bureau ang tunay nitong mandato para sa bayan.

Spread the news