Akala ko noon, sa showbiz at eleksyon lang may siraan—yung tipong headline sa gabi, trending sa umaga. Pero nang masilip ko ang mundo sa loob ng BOC, aba, mas matindi pa pala rito ang script. Parang teleserye na walang director pero lahat gustong bida.
Hindi mo na kailangan ng kontrabida na naka-all black—dito, sila-sila mismo ang gumaganap sa lahat ng role. May bida-bida, may chismosa, may nagmamagaling, at siyempre, may certified award-winning manggagamit. Ang weapon of choice? Hindi baril o espada, kundi paninira. Mas matalim pa sa bagong hasa na kutsilyo ng kusina.
Bakit nga ba ganun? Para bang may invisible race track sa opisina—lahat nag-uunahan, takot maungusan, ayaw mapag-iwanan. Yung tipong pag may umangat ng konti, may maglalabas agad ng “breaking news” tungkol sa kanya. Parang news anchor sa kanto: “Alam mo ba? Ganyan kasi ‘yan…”
Samantalang yung mga tunay na magagaling? Tahimik lang. Hindi makitaan ng yabang, pero kita sa gawa ang husay. Pero sa mundong ganito, kung saan mas mahalaga ang lakas ng boses kaysa sa bigat ng gawa, madalas silang natatabunan ng maingay.
Kaya sa mga Boss, payo lang: huwag agad maniwala sa mga kwentong dala ng instant news reporters sa opisina. Tanungin muna: bakit ba kailangan mag-ungusan? Hindi ba pwedeng hayaan ang mga aksyon ang magsalita, at hindi ang mga bibig na walang preno?
Kasi sa huli, kung puro paninira ang puhunan, kahit anong taas ng lipad, siguradong babagsak din. At kapag bumagsak? Ay naku… parang teleserye rin—pero wala nang season 2.
