May usok. Ang tanong ng bayan—may apoy ba?
Mainit na usap-usapan ngayon sa loob mismo ng Bureau of Customs ang umano’y P10 milyong “hatag” na iniuugnay sa isang opisyal na tinatawag na “A.E.” Kung tsismis lamang ito, panahon nang pabulaanan. Ngunit kung may katotohanan, hindi ito simpleng isyu ng korapsyon—ito ay usapin ng pambansang seguridad at ekonomiya. Tama ba Muncher?
Ang unang tanong: Saan nanggagaling ang ganito kalaking halaga?
May mga broker ba at importer na napipilitang magbigay ng “padulas”? May mga shipment bang nakalulusot kapalit ng salapi? O mas malala pa—may kontrabando o iligal na droga bang nakalulusot sa ating mga pantalan? Uy ambot sa kambing na may bangs!
Kapag may kargamentong hindi nabubuwisan nang tama dahil sa katiwalian, ang nawawalan ay ang gobyerno, ang nagdurusa ay ang taumbayan. Ang buwis na dapat mapunta sa kaban ng bayan ay maaaring napupunta sa bulsa ng iilan, habang ang dagdag na gastos ay ipinapasa sa presyo ng mga bilihin. Tama ba A.E.?
Kung mapatutunayan ang ganitong gawain, maaari itong bumuo ng mga paglabag sa iba’t ibang batas, kabilang ang:
– Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) laban sa katiwalian ng mga opisyal ng gobyerno;
– Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) kung may paglabag sa pamantayan ng integridad at pananagutan;
– Revised Penal Code sa mga kasong bribery o corruption of public officials, depende sa ebidensya;
– At kung may kinalaman sa pagpupuslit ng kontrabando o iligal na droga, maaari ring pumasok ang mga probisyon ng Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), depende sa mapatutunayang mga pangyayari.
Hindi biro ang mga ganitong alegasyon. Kapag ang katiwalian sa adwana ay nagdulot ng malaking pagkawala ng kita ng gobyerno o nagpalusot ng mapanganib na kontrabando, maaari itong ituring na seryosong pag-atake sa interes ng Estado at dapat agad na imbestigahan si A.E.
Nakapagtataka rin ang sinasabing katahimikan sa port na inuugnay kay “A.E.” Sabi nga nila, ang pinakatahimik na dagat ang kadalasang pinakamalalim. Ang katahimikan ay hindi dapat maging takip ng anumang iregularidad.
Kung walang katotohanan ang lahat ng ito, pinakamainam na magkaroon ng malinaw at transparent na paliwanag. Ngunit kung may basehan ang mga alegasyon, hindi sapat ang pananahimik.
Dito ngayon masusubok ang ipinangangalandakang “No Take Policy” ng pamunuan ng Bureau of Customs.
Commissioner Ariel F. Nepomuceno, nasa inyong kamay ang pagkakataong patunayan na walang sinuman ang mas mataas sa batas. Kung may sapat na batayan, panahon nang ipaubaya ang usapin sa Customs Intelligence and Investigation Service, Customs Management Unit, Office of the Ombudsman, Department of Justice, at kung kinakailangan, sa Senado para sa isang malalim at walang kinikilingang imbestigasyon.
Dahil sa huli, hindi lamang pangalan ng isang opisyal ang nakataya.
Ang nakasalalay dito ay ang tiwala ng publiko, ang kita ng gobyerno, at ang seguridad ng bansa. May ganun!
May kasunod pa…
